Bago ko nakita yung buwan sa umagang tapat ng alas nwebe, dahil sa hindi ako tinanggap sa klase ng instruktor na dapat sanay magtuturo sa aking magmaneho, napagpasyahan kong magkape sa isang malapit na coffee shop.
Dala dala ang kape sa isang kamay na may hawak na hawak na purse (dati bag ang tawag ko dito, pero nung minsan may tumama sa sinabi kong bag) at isang notbuk sa kabilang kamay.
Iniinom ko ang kape habang naglalakad na hindi magkanda-ugaga, iniisip ko yung itsura ko. mga itsura na napapanood ko sa telebisyon. Panahon ng taglamig, naka coat at may nakapulupot na scarf sa leeg. Sosyal ang pagbitbit ng sosyal na Coach purse na niregalo ng sis kong maganda from Ebay (naks nagyabang!), hindi ko alam na ganun daw magdala ang mga sosyal ng bag kundi pa tinuro sa akin ng syempre sis ko pa ring maganda.
At higit sa lahat…..nagkakape habang naglalakad. Hindi gawain sa pinas ang ganung trabaho…ewan ko lang ngayon.
Ingungudngod ang nguso sa maliit na butas ng takip ng kape, tapos maglalakad ulit. O di kaya namay sabay gagawin para lalong mukhang hindi magkanda ugaga sa paglalakad.
Ang ganda ng feeling ko, o feeling maganda pero feeling malungkot din. Ganoon ang daloy ng buhay kapag walang trabaho, maglalakad habang nagkakape o di kaya nama’y nagkakape habang naglalakad, wala kang ibang mapagpilian kasi hindi mo pa kayang bumili ng sariling sasakyan. Maglalakad ka lang ng maglalakad kasi wala ka rin namang ibang mapupuntahan kasi nga wala kang sasakyan. Walang bus, wag ka ng magtanong at higit sa lahat mahal ang taksi, punta ka lang sa kanto e CAD 45 na, kaya di bale na lang.
Isang araw ng paglalakad, mga dalawang linggo na ang nakakaraan, tamang 5 degrees ang panahon. Pakiramdam ko napakasopistikada ko sa brown coat na binili ko ng CAD 8 sa isang ukay ukay rito, pinatong ko ito sa kulay lilang sweat shirt na ibinagay ko sa sa levis na cordoroy.
Isa na naman itong araw ng walang humpay na paglalakad, nakatatlong establisemento rin naman ako. Sobey’s na binilihan ko ng gift card, panregalo sa may birthday, Coffee shop na binilan ko ng kape (syempre!) at Groserya na inutangan ko ng isang linggong pagkain.
Habang naglalakad, napapansin ko ang umaambang ulan. Patay! 5 degrees na sasabayan ng ulan. At umulan nga. Ulan na sobrang lakas.
Syempre pag ganoon na ang tema ng paglalakbay ko, hihingi na ko ng tulong sa taas, mag faflood ako ng pleaseeeeee, pleaseee, pleaseeeeee! pahintuin nyo na po ang ulan pleasssssssseeeee!
Ayaw kong tumawag at magpasundo kasi matigas ang ulo ko. Pilit kong sinisindihan yung dala kong yosi, para mabawasan yung lamig na nararamdaman ko pero masyadong malakas ang hangin.
Kasabay ng malakas na hangin yung unti-unting pagliwanag. Alam mo yun, parang pelikula. Parang mga anghel na walang langit lol!
Pagkatapos ng liwanang, rainbow doon sa may bahagi ng creek. Kinuha ko yung camera ko sa purse ko sabay hubad ng gloves.
Read the rest of this entry →
Viewed 28208 times by 2411 viewers